Filed under: senti-sentihan
Dear Diary,
NOON….hindi ako naniniwala sa’yo. Ang sabi ko kalokohan ka lang. Marami kasi akong kaibigan na nahihingahan ko ng sama ng loob. HINDI KITA KAILANGAN!!! Pero ngayon, napagtanto kong wala ng nagmamahal sa akin. Wala na dahil tuyot na ang dati kong makinis na balat, maitim na ang dati kong mapupulang labi, humpak na ang mukha kong minsa’y kinabaliwan ng maraming mga ADAN. Ang aking nagkikislapang kwintas ay napalitan na rin ng nanlilimahid na banil na di ko na magawang linisin bunga ng aking katandaan. Ang dati kong matitibay na ngipin na parang estrelya sa kaputian ay nanilaw nang tulad ng mga dahong unti-unting nabubulok. Ang aking mga matang dati ay nakangiti, ngayon ay malamlam at nanlalabo bunga marahil ng pitumput-walong taong batbat ng pagsubok sa buhay. Maputi na rin ang aking buhok na tanda ng di-mabilang na kabiguang sa akin at dumating.
Tandang-tanda ko pa noon dear diary, masaya kaming mag-anak na namumuhay. Walang problema. Dalawa lang kaming magkapatid pero may asawa na si kuya. Ako, nasa second year high-school noon. Isang matinding dagok ang dumating sa amin. Inatake sa puso si ama nang magkatanggalan ng trabahador sa pabrika nila. Lubhang dinamdam ni ina ang nangyari kay ama. OO, pinilit niya akong tinaguyod pero hindi niya kinaya eh. Dito ko naranasan ang matinding hirap. Ang sabi ko, kaya ko ang lahat ng ito! Pinilit ko pa ring mag-aral kahit na lakarin ko papuntang eskwela. Ang almusal ko noon “kanin na siabawan ng kape”, champorado na sa akin ‘yon. Minsan pumapasok akong walang laman ang sikmura kundi hamog ngunit ang dibdib ko’y tila maeempatso na sa kabusugan ng sama ng loob. Pag tanghalian, nagpupunta nalang ako sa ilalim ng puno ng mangga at nagbabasa ng aklat para hindi ko maramdaman ang gutom. Minsan pumapasok akong gusot ang uniporme. Biniro nga ako ng isa kong kaklase, “EM, (siyempre initial lang) ang alam ko puti ang uniporme natin eh bakit ikaw “dilaw” ang sa’yo?” sabay tawa ng nakakaloko. Awang-awa ako sa sarili ko noon pero ng tingnan ko ang sarili ko lalo akong nanlummo dahil bukod sa naninilaw na ang uniporme ko, kulang-kulang pa ang butones. Umuwi akong nahihilam ang mga mata sa luha. Pero ang lalong masakit, pag-uwi ko sa bahay, punong-puno ng “liwanag” ang buong kabahayan, punong-puno rin ng tao! WALA NA SI INA! Naging mahina siya, hindi niya kinaya ang pagkawala ni ama. Gusto kong magwala pero hindi ko magawa. Ang katawan ko’y mistulang lantang gulay…pagod na pagod. Matapos ang libing, umalis na ako sa inuupahan naming bahay at nagpasyang puntahan si kuya sa Maynila upang doon makitira. Subalit nabigo ako, nalaman kong nakatira pala sila sa mga magulang ng asawa ni kuya kaya walang nagawa ang kapatid ko upang kupkupin ako. Ang sabi ko, “Ang sakit naman, pati kapatid ko tinatanggihan ako”.
Hanggang sa mapadpad ako sa isang lugar na hindi ko alam, ang natatandaan ko, may rebulto si Jose Rizal. Gutom na gutom na ko at naninikip na ang aking kalamnan. Buti nalang at may natira pa akong barya sa bulsa. Nakakita ako ng isang tindahan. Gusto ko sanang bumili ng sopdrink at tinapay pero hindi pala kasya. Ang sabi ko sa tindera, “Sige poi sang hopia nalang.” Hanggang sa makilala ko si Delia habang ako’y nakaupo sa isang upuang bato. Ang ganda-ganda niya sa suot niyang kulay pulang damit na tinernohan ng nagkikintaban niyang alahas. Ikinuwento ko ang lahat sa kanya. Dahil dito’y inalok niya ako ng “trabaho”. Natuwa ako noong una, ang sabi ko sa wakas may dumating na anghel sa buhay kO! Dinala niya ako sa isang lugar, ang sabi niya “MABINI” raw yon. Binihisan niya ako, inayusan, pinaliguan at binigyan ng pabango. Ang sabi ko, ang swerte-swerte ko naman dahil may nag-aalaga sa akin. Hanggang sa ipasok niya ako sa isang madilim na lugar. Maraming tao, iba-iba. Nakakahilo ang usok at halos lahat sila’y amoy alak. Dito ko nalaman kung anong uri ng trabaho mayroon si Delia.
Dear diary, KAPIT AKO SA PATALIM, napilitan akong sumama sa isang lalaki noon ko lang nakita. Ang sabi niya bibigyan daw niya ako ng pera. Masaki tang nangyaro sa akin ng gabing iyon. Iyak ako ng iyak habang ang dugo’y patuloy na tumatagas sa aking mga hita. Mahapdi…hindi ako makakilos. Pagkatapos noon, ang lalaki’y dumukot ng salapi sa kanyang pitaka. LIMANG LIBONG PISO. Naluha ako. Ito ba ang halaga ng aking dangal? Napakamura naman. Nag-isip ako, ang sabi ko “PUTANG-INA!” hindi ko ginustong maging puta pero kailangan kong mabuhay, kailangan kong gamitin ang utak ko!
Magmula noon hindi ko na mabilang ang dami ng lalaking nagpasasa sa kandungan ko. Ang dami ng lalaking pinaikot ko sa aking palad. Lintek! Ginagamit nila ako, gagamitin ko din sila. Iba-iba sila, may mayor, gobernador, at senador. Ha! Kailangan kong pag-igihan, kailangan lasingin ko sila sa bango ko, aliwin sa indayog ng aking beywang sa entablado upang kahit papaano’y may mamantikaan ang aking mga labi ng mga yamang kanilang tinatamasa.
Pero ang lahat pala ay may katapusan. Kasabay na inagos ng panahon ang aking kabataan. Ang mga kuko kong dati’y kulay pula ngayo’y naninilaw na at walang buhay. Hindi na ako makasayaw dahil sa rupok ng aking mga buto sa balakang. Ang aking matamis na laway ay napalitan na ng namumuong mga “plema”. Hindi na mabakas sa aking kasikatan noon sa Club. Mabigat na ang talukap ng aking mga mata. Barado na ang aking mga tenga na marinig pa ang daloy ng mga sasakyan.
Wala ng tumatanggap sa akin, LAOS na raw ako! Sayang, hindi rin kasi ako nakakita ng lalaking ibabahay ako’t iibigin ng tapat.
Ngayon Dear diary, nandito ako sa lugar kung saan ako unang napadpad. Ang lugar kung nasaan ang rebulto ni Jose Rizal. Hukluban na ako, namumutla, nanlulupaypay. Ngayon nanlilimos nalang ako, limos na pinambibili ko ng sopdrink at hopya na hindi ko nabili noon. Ang sakit dahil nabubuhay na lamang ako sa panghihingi sa mga tao. Burado na ako sa kasaysayan ng mga normal na nilalang. Ang DIYOS? KILALA BA AKO NG DIYOS DEAR DIARY?
Filed under: senti-sentihan
Sasamahan mo ba ako anak? Gusto kong ikaw ang pumili ng damit ko para sa graduation mo,” sabi sa akin ni ina isang lingo bago ang araw ng aking pagtatapos.
Marami pa po akong aasikasuhin,” maikli kong sagot.
Nitong mga nakaraang araw, napapansin kong kinukukha ni ina ang aking atensyon. Mas ramdam niya ang tuwa at excitement sa aking nalalapit na pagtatapos, at ngayon nga ay nag-iisip na siya ng kanyang susuotin, Samantalang ako ay abala pa rin sa pagpapapirma ng clearance at ilan pang mga papeles kung kaya’t ang samahan pa siya sa pamimili ay wala sa aking isip.
Sa wakas! Masusuklian ko na rin ang mga paghihirap, sipag at tiyaga ko. Mula ng iwan kami ni ama sampung taon na ang nakakaraan.
Dati madalas akong maging tampulan ng tukso dahil bukod sa manilaw-nilaw na ang blusang buot ko ay tagpi-tagpi pa. Ni hindi ko rin naranasan ang umattend ng JS Prom kasi wala akong damit na maisusuot. Kaya naman ipinangako ko sa aking sarili na darating ang panahon na pagsisisihan ni Ama ang ginawa niya sa amin. Ito na marahil ang naging dahilan upang isubsob ko ang aking sarili sa aking pag-aaral.
Pagsapit ng lingo, hindi ko alam kung bakit ko nasabi kay ina na sasamahan ko nalang siya bumili ng damit. Sa aming pamimili, nalaman ko na sa dalawampung taon pala naming pagsasama ay marami pala akong hindi alam tungkol kay ina. Mas nais ko kasing mag-aral kung nasa bahay ako kung kaya’t wala kaming pagkakataon ni ina na makapag-usap. Paa kasi sa akin ang matataas na marka ay simbulo ng isang MABUTING anak.
Maghapon kaming naglibot sa mall pero wala pa ring mapili si ina. Ngunit ng kalaunan, nakapili din siya ng isa. Sa kanyang pagsusukat, napansin kong hirap na hirap siyang pagbuhulin ang laso sa likuran dahil sa panginginig ng kanyang kamay sanhi ng rayuma. At naalala ko nung paanong ang mga kamay na iyon ang nag-aruga, nagbihis, umalalay at nagmahal sa akin.
Sa matinding emosyon ko, napayakap ako kay ina, hinawakan ang kanyang mga kamay, hinalikan at sinabi na iyon ang pinakamagandang kamay sa buong mundo.
Sa araw ng aking pagtatapos, kakaibang kasiyahan ang aking nadama. Maaring pagtatapos na ito’y simula lamang ng mas marami pang paghihirap at pagsubok sa paglabas ko sa pamantasan. Pero alam ko’ng naroroon si ina para sa akin. At para sa amin, ang aking pagtatapos at simula lamang ng mas magandang pagsasama namin.
Ano nga ba ang kabukuhan ng aking pagsisikap kung puno ang aking puso ng galit at paghihiganti? Kung tanging sarili ko lamang ang aking iniisip.
Nandiyan naman si ina.
Handog ko sa kanya ang aking pagtatapos at bigay naman sa akin ng Panginoon ang paalalang ang pagmamahal ng aking ina ang pinakadakila kong tagumpay.
Filed under: senti-sentihan
Hindi ka man magsalita, hindi mo man sabihin dahilan sa kawalan ng pagkakataon, alam kong nagagalak ka rin sa anumang narating ko. Ito ay dahilan sa alam kong kasama rin kitang nangarap, nagmithi, at nag-asam.
Sa iyong piping pagngiti at bahagyang pagtapik sa aking mga balikat noong huli tayong nagkita, naramdaman ko ang iyong pagmamalaki, ang iyong kasiyahan.
Likas kang walang imik. Kaya nga ba’t bawat pagkurap ng mata mo. Pagkibot ng labi at pagkunot ng noo mo’y hindi ko pinaliligtas. Alam ko kasing sa mga ito’y nakakubli ang sangmilyu’t isang kahulugan, ang iyong malalim na personalidad.
Pero bakit nga ba kung kailan lubos ang pagnanais kong malaman kung ano ang nasasaloob mo, para bang ang gaan-gaan naman ng buhay sa’yo. Parang wala kang problema. Sabi nga sa isang kanta…..”YOU’RE A GREAT PRETENDER!”
Nanghihinayang ako sa mga panahong kung hindi man naging mailap ay hindi naman nakalaan para sa atin. Sa mga pagkakataong nariyan ka at abot-kamay subalit hindi kita pinag-ukulan ng atensyon at pagmamahal. Sa mga sandaling kinailangan mo ng isang kaibigang aalalay, makikinig at magpapayo at ako’y malayo sa iyo.
Naiinis ako sa sarili ko. Wala kasi akong magawa para mapagaan ang bigat ng problemang sinusuong mo, para maiahon ka sa kabiguang kinasasadlakan mo. Hindi ko man lang masabing: “Don’t worry, everything will be alright.”
Sorry wala akong assurance na naibigay sa iyo. Sorry dahil palagi akong wala sa tabi mo.
Sa ngayon habang naghahanda ka sa panibagong buhay na lalakaran mo, nandito lang rin ako…palihim na naghahanda, umaasang matutulungan kita, ‘pag kaya ko na. Pagdating ng tamang panahon.
Alam ko malapit na yon…..ilang araw na lang, ilang buwan, ilang taon..tsk..tsk..matagal pa din pala..Pero siyempre, masayang-masaya ako dahil sa wakas, nagsisimula na rin akong abutin ang mga pangarap ko sa buhay. Kabilang na ang makapiling ka naming muli…
Sana wag kang maiinip…Alam ko may pangarap ka rin tulad ko. Pero don’t worry, everything will be alright… Pagbalik mo, sabay tayong mangangarap…at aabutin ang mga ito….